Nangaliwa si Mister – May Pag-Asa Pa Bang Magbabago Siya?

Sa palagay niyo mommies? May pag-asa pa ba ang pagsasama kung nangaliwa ang isa? πŸ€”

0
Image Credit: Unsplash/Travis Grossen

Nahuli mo ba si mister o si live-in partner na nangangaliwa? Marahil nalilito ka sa ngayon at kinakabahan kung anong mangyayari sa inyong relasyon.

Natural lamang na maramdaman ang mga ito. At natural lang din na isipin kung kaya ba niya gawin ulit ito sa iyo lalo na kung iniisip mo na patawarin siya at ipagpatuloy ang inyong relasyon.

Nararapat na manatiling kalmado at malinaw ang isipan pagdating sa mga ganitong pagkakataon. At heto din ang ilang senyales na maaaring mangaliwa ulit ang inyong katuwang sa susunod na pagkakataon:

Paano mo nalaman ang kanilang naunang kaso ng pangangaliwa?

Nalaman mo ba ang kanyang pangangaliwa dahil nahuli mo sila sa akto? Nakita mo ba ang kanilang mga text o nakita mo ba silang magkasama? Napaamin mo ba siya pagkatapos mahuli o hanggang ngayon ay hindi pa din siya umaamin sa pagkakamali?

Ang kanyang pag-amin (o hindi) ay nagpapahiwatig kung gaano ka niya ka-nirerespeto bilang katuwang sa buhay. Kung umamin siya pagkatapos mo siyang tanungin o mahuli, o umamin siya mag-isa, alam niya na siya ay nagkasala sa iyo at nais niya itong itama at bumawi. Maaaring maganda itong senyales na nais niyang ayusin ang inyong relasyon at importante ka at ang inyong pamilya para sa kanya.

Sa kabilang banda, kung hindi pa din niya inaamin ang kanyang pangangaliwa kahit na nahuli mo siya sa akto o may ebidensya ka, maaaring senyales ito na hindi niya sinisiryoso ang sitwasyon at hindi niya binibigyan importansya ang inyong relasyon. Maaaring red-flag ito na mas malaki ang posibilidad na gawin niya ulit ang pangangaliwa.

Nagsisinungaling at naglilihim siya.

Maliban sa pangangaliwa, napapansin mo ba na malihim at malimit magsinungaling ang iyong katuwang? Ang pagsisinungaling ay isang pag-uugali na mahirap mawala sa mga tao. At hindi magandang senyales kung nagsisinungaling ang iyong katuwang sa iyo kahit na sa maliliit na bagay. At kung nakakalusot sila sa mga maliliit na bagay, maaaring maisip niya na makakalusot din siya sa pagsisinungaling ukol sa malalaking bagay tulad nang pakikipag-relasyon sa iba.

Kung napatawad at nagkabalikan na kayo at nahuli mo ulit siyang nagsisinungaling, maaaring sinusubukan niya kung hanggang saan ka maniniwala sa kanya. At maaaring nangangaliwa na ulit siya kung nagsimula na siyang maglihim ukol sa:

  • Sinasabing kasama ang mga kaibigan ngunit hindi sinasabi kung sino-sino ang mga ito at ibang detalye tulad ng saan at ano ang kanilang gagawin.
  • Tinatago ang kanyang cellphone o binago ang kanyang password para dito.

Sinisisi ka niya sa kanyang pangangaliwa.

Kung sinasabi niya na ikaw ang may kasalanan o pagkukulang sa kanyang pangangaliwa, ito ay red-flag na maaaring gawin niya ulit ito. Maraming dahilan at rason para sa pangangaliwa, ngunit hindi tama na isisi ito sa iyo na hindi nangaliwa.

Kung sinimulan niya itong gawin, pag-isipan mong mabuti kung nais mo pang manatili sa inyong relasyon. Ang hindi pagtanggap o pag-amin sa kasalanan ay maaaring senyales na hindi pag-ako sa kanyang pananagutan sa kanyang nagawang pangangaliwa. At kung hindi niya inaamin na kanyang kasalanan ang pangangaliwa, malaki din ang posibilidad na gawin niya ito ulit.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nangaliwa siya.

Kung ang iyong katuwang ay nangaliwa na ng ilang beses sa iyo o sa iba niyang ka-relasyon bago sa iyo, malaki ang posibilidad na gagawin lamang niya ito nang pa-ulit-ulit.

Posible naman magbago ang mga tao at hindi lahat ng nangaliwa dati ay gagawin ito ulit. Ngunit importante din na tingnan ang kanyang mga ginawa sa nakaraan. Maaaring nangangaliwa siya kapag nakakausap niya ang isang grupo ng kanyang mga kaibigan na normal para sa kanila ang ganitong gawain. Maaaring nangangaliwa siya kapag dumanas ng malaking problema tulad ng pagkawalan ng trabaho o pagkamatay ng taong malapit sa kanya.

Kung nangaliwa na ng ilang beses ang iyong katuwang, maaari mo siyang kausapin at alamin kung anong mga plano niyo para sa isa’t isa at kung anong kaya niyong gawin para sa inyong relasyon. Maaari mo ding sabihin na ang kanilang pangangaliwa ay rason ng iyong pagkabalisa at hindi ito ang uri ng relasyon na nais mo. At kung hindi ka nakampante sa kanyang mga kasagutan, maaaring sapat na rason na ito para maputol ang inyong relasyon.

Hindi sila gumagawa ng paraan na maitama ang kanilang pagkakamali.

Kampante ka ba sa inyong relasyon pagkatapos mo malaman ang kanyang pangangaliwa? Nararamdaman mo pa din ba na mahal ka niya at pinili ka niya?

Maaari pa din namang maayos ang relasyon kahit na may insidente ng pangangaliwa. Ngunit kailangan din ng konkretong aksyon at pagsisikap lalo na mula sa taong nangaliwa. Nararapat na gawin ng iyong katuwang ang lahat upang makuha muli niya ang iyong tiwala. Kinakailangan din na iparamdam niya sa iyo ang kanyang pagmahahal at pagpapahalaga.

At pagkatapos nang lahat, kung hindi mo na nararamdaman ang kanyang pagmamahal o pagpapahalaga, tanungin ang sarili, bakit ka pa nasa relasyon na ito?

Join our MomCenter Community on our Facebook page and Facebook group for more insights on motherhood and parenting.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here