Ligtas sa Tag-Araw: What Parents Need to Know

Paano nga ba maiiwasan ng ating mga anak ang bungang araw at heat exhaustion? ☀️

0
73

Summer na ulit, mga mommies! Pansin na pansin nanaman ngayon ang matinding init ng panahon. Ayon sa mga balita, ang heat index sa Metro Manila ay mula 36ºC hanggang 50ºC. Sinasabi ng mga eksperto na ang mga heat index na mula 41ºC hanggang 54º ay delikado sapagkat maaari na itong magdulot ng heat cramps at exhaustion, o heat stroke, lalo na kung may kaakibat na physical activity.

Ngayong nasa community quarantine tayo at kinakailangang manatili sa bahay, may magagawa ba tayo upang maibsan ang init para sa atin at sa ating mga anak? Paano nga din ba natin maiiwasan o malulunasan ang ilang sakit na dulot ng matinding init?

Sa mga ganitong pagkakataon, mahalaga na alam nating mga magulang ang kailangan nating gawin upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng init. Heto ang ilang paraan upang mapanitiling kumportable tayo at ang ating mga anak sa gitna ng malubhang init.

Siguraduhing hydrated ang ating mga anak.

Huwag na hintaying mauhaw ang ating mga anak bago sila piliting painumin. Bigyan sila ng tubig na maiinom maya’t maya upang ipaalala sa kanila na kailangan nilang uminom lalo na kung sila ay aktibo. Para sa mga batang wala pang anim na buwan, siguraduhin din na palagi siyang i-breastfeed o padedehin ng formula milk. Ang mga bata na anim na buwan pataas ay maaari nang bigyan at painumin ng tubig.

Subukan din bilangin kung ilang beses sa isang araw sila umiihi — ang mga bata, kasama na ang mga sanggol ay kinakailangang nakaka-ihi ng ilang beses sa loob ng anim hanggang walong oras. At dapat ang kanilang ihi ay manilaw-nilaw at hindi mala-kahel.

Kung hindi pala-inom ng tubig ang inyong anak, subukang bigyan siya ng ice pops/candy, juice, or tubig na hinaluan ng sariwang prutas tulad ng orange, mansanas, o dalandan.

Limitahan ang pag-labas o mga hindi kinakailangan na aktibidad.

Maliban sa nililimitahan ang paglabas ngayong community quarantine, mas makakabuti din para sa mga bata na manatili sa loob ng bahay o sa lilim, lalo na pagsapit na tanghali. Kung gusto niya maglaro o gumawa ng aktibidad sa inyong bakuran, siguraduhin na may baon siyang tubig na kanyang iinumin nang regular.

Gumamit ng maninipis, maluluwang, at mapupusyaw na kulay ng damit.

Mas hindi mainit sa katawan ang mga mapupusyaw na kulay at mas nakakahinga ang ating katawan kung ang pananamit at maluwang at manipis. Kung kinakailangan mabilad sa araw, gumamit ng sunblock na angkop para sa edad ng inyong anak.

Heto naman ang mga kinakailangan natin malaman ukol sa mga sakit na dulot ng init.

Heat exhaustion

Mga sintomas:

  • Tachycardia o mabilis na pagtibok ng puso
  • Pagpapawis ng labis
  • Pagduduwal at pagsusuka
  • Sakit ng ulo
  • Pagkapagod
  • Panghihina
  • Pagkahilo
  • Pagkalito
  • Paghihimatay
  • Pananakit ng mga kasu-kasuan
  • Pagkamayamutin
  • Panlalamig ng katawan

Kung mapansin ang ilan sa mga ito sa inyong mga anak, subukan silang palamigin agad. Dalhin sila sa lilim na lugar kung sila’y nasa labas, tanggalin ang pananamit kung patong-patong ang kanilang kasuotan, at pa-upuin sila sa pool o timba na may tubig o lagyan ng yelo o cold compress ang kanilang leeg, batok, kili-kili o singit. May malalaking daluyan ng dugo sa mga parteng ito kaya’t mapapabilis ang pagpapalamig sa katawan.

Bungang araw o heat rash

Ang bungang araw ay karaniwang nakikita sa mga bata tuwing tag-araw. Ang sintomas nito ay maliliit, mapula, at makating pantal na malimit makita sa leeg, likod, braso, o singit. Nagkakaroon ng bungang araw kung nababarahan ang mga sweat pores dahil sa labis na pagpapawis. Nakukuha ito ng mga sanggol kung hindi presko ang kanilang kasuotan. Maaari namang mawala ang bungang araw kapag lumamig na ang panahon, pero heto ang mga pwedeng gawin upang maging kumportable ang ating anak kung sila ay may bungang araw:

  • Pagligo ng malamig na tubig
  • Pagsusuot ng maninipis at maluluwang na damit
  • Paglalagay ng yelo o cold compress sa bungang araw
  • Paglalagay ng oatmeal (hindi instant) sa tubig at pagbababad dito, o paghaluin ang oatmeal at konting tubig hanggang sa lumapot at ilagay sa lugar na may bungang araw.
  • Paglalagay ng aloe vera gel sa lugar na may bungang araw.
  • Paglalagay ng talcum powder na walang amoy sa mga lugar na may bungang araw, at singit singit at ibang parte ng katawan na pawisin.

Kung hindi pa mawala ang bungang araw sa loob ng ilang araw matapos mo masubukan ang ilan sa nasa itaas, kumonsulta na sa inyong Pediatrician. Pumunta din agad sa doktor kung magkaroon ng mga sumusunod ang inyong anak maliban sa bungang araw:

  • Lagnat
  • Masakit na lalamunan
  • Masakit na kasu-kasuan
  • Iba pang sintomas na kagaya nang sa trangkaso
  • May makitang nana, pagtutubig, o pamamaga sa lugar na may bungang araw.

Join our MomCenter Community on our Facebook page and Facebook group for more insights on motherhood and parenting.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here